MANILA, Philippines – Kung sakali na magwagi bilang pangulo ng bansa sa 2016 elections ay prayoridad ni UNA presidential bet Vice President Jejomar Binay na resolbahin ang baha sa bansa.
Ito ang inihayag kahapon ni Binay nang ito ay bumisita kahapon sa iba’t ibang lalawigan sa Central Luzon na naapektuhan ng flashfloods at matinding pagbaha dala ng bagyong Nona.
Ayon sa Office of the Vice President, nakipagkita at nakipagpulong si Binay sa mga lokal na lider sa mga lalawigan at tinalakay ang naging problema sa pagbaha sa mga lugar na sinalanta ng bagyo.
Ayon kay Binay sa harap ng local leaders, nais niyang iprayoridad ang pagresolba ng mga pagbaha sa bansa dahil labis nang nakakaapekto sa mga komunidad at sa pamumuhay lalo na ang mga magsasaka sa Nueva Ecija, Bulacan, Aurora at Pampanga.
Binigyang-diin ni Binay na malaki ang impact at epekto ng mga nararanasang pagbaha sa lokal na ekonomiya at sa sektor ng agrikultura.
“Itong mga pagbaha ay dapat tugunan at hanapan ng solusyon ng pamahalaan, lalo na ang DWPH. Maraming kababayan natin ang naaapektuhan, lalo na ang mga magsasaka at ang sektor ng agrikultura,” ani Binay.
Matapos na bisitahin ni Binay ang Gapan at Cabanatuan City sa Nueva, Ecija, dumiretso ito sa San Miguel, Bulacan upang tingnan at bigyang ayuda naman ang mga mamamayan na naapektuhan din ng pagbaha sanhi ng bagyo.
Nakatakda ring tumungo ang Bise Presidente sa Catarman upang tingnan ang kalagayan ng may 10,000 mamamayan na nagsilikas dahil sa nasabing kalamidad.