MANILA, Philippines – Hindi na nakarating sa kanilang himpilan ang isang babaeng Army Lieutenant at tatlo nitong kasama matapos na matabunan ng lupa ang kanilang sinasakyan sa highway ng Infanta, Quezon kamakalawa ng gabi.
Namatay noon din si 1nd Lt. Michelle Mae Delariarte, 25, Civil Military Operations (CMO) Officer 1 ng kanilang batalyon. Habang nasugatan ang tatlong kasama na sina Corporal Renato Villanueva; 1st Lt. Sarah Jane Bagasol at Pfc Cheryl Ramirez.
Batay sa ulat na natanggap ni Col. Christopher Tampus, Commander ng Army’s 1st Infantry Battalion, bandang alas-11:45 ng gabi ay kasalukuyang bumabagtas sa bahagi ng Marikina–Infanta Road ang Isuzu Crosswind (XJF 239) na minamaneho ni Cpl. Villanueva sakay ang tatlo nitong kasamahang sundalo nang mangyari ang malagim na sakuna.
Nabatid na tinawagan pa ni Tampus si Delariarte upang alamin kung nasaan na ang mga ito na sinabing malapit na sila sa kanilang himpilan ng 1st Infantry Battalion sa bayan ng Infanta.
Gayunman, nasa 15 minuto pa ay biglang tumawag ang mga ito ng rescue matapos na umano’y maguhuan ng lupa galing sa bundok ang behikulo ng mga ito na umano’y nagpaikot-ikot pa sa malakas na pagtama rito ng landslide.
Nabatid na lumambot ang lupa sa bahagi ng nasabing bundok dahilan sa malalakas na pag-ulan dala ng bagyong Nona.