MANILA, Philippines – Tuloy na ang pagkandidato sa pagkapangulo ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa May 2016 elections matapos tanggapin ng Commission on Elections (Comelec) en banc ang substitution ni Duterte kay Martin Dino na presidential candidate ng PDP-Laban.
Sa botong 6-1 ay kasama na sa listahan ng tatakbong pangulo si Duterte.
Ayon kay Comelec Chairman Andres Bautista, tanging substitution lamang ang niresolba ng poll body maliban na lamang kung meron pang ihahaing disqualification case laban sa kaniya.
Depensa ng Comelec law department na nakumpleto ng kampo ni Duterte ang mga basic requirements para siya ay ikonsidera bilang miyembro ng partido.
Una rito, ipinatawag ng Comelec poll body maging ang abogadong nagnotaryo ng kaniyang substitution upang matiyak kung may katotohanan ang balak na pagtakbo ng Davao mayor.
Kamakailan ay ipinababasura ng abogado ni Duterte na si Atty. Vitaliano Aguirre sa First Division ng Comelec ang disqualification case dahil hindi nagpakita sa hearing noong Martes ang petitioner na si Ruben Castor.