MANILA, Philippines – Labinlimang miyembro ng bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) at tatlong sundalo ang nasawi habang 33 ang nasugatan kabilang ang sampu sa tropa ng pamahalaan sa naganap na sagupaan sa kagubatan ng Brgy. Macalang, Al Barka, Basilan, kamakalawa.
Sa ulat na natanggap ni Major Felimon Tan, Spokesman ng AFP-Western Mindanao Command, halos tumagal ng buong araw ng Martes ang sagupaan ng tropa ng militar sa tinatayang 50-80 bandidong Abu Sayyaf sa nasabing lugar na nag-umpisa dakong alas-5:00 ng umaga.
Umpisa pa noong linggo ay ginalugad na ng tropa ng pamahalaan ang kagubatan ng Basilan alinsunod sa malawakang opensiba na ipinag-utos ni Pangulong Benigno Aquino III upang durugin ang nalalabi pang mga bandido na namumugad sa Sulu at Basilan.
Habang ginagalugad ng tropang gobyerno ang kagubatan ng Basilan ay natisod ang isang kampo ng mga bandido na nauwi sa umaatikabong bakbakan sa pagitan ng magkabilang panig.
“Ang nakasagupa ng Joint Task Group (JTG) Basilan ay sangkot sa samut-saring paghahasik ng terorismo sa lalawigan”, wika ni Major Chris Mugot, Spokesman ng Joint Task Force ZAMBASULTA (Zamboanga, Basilan, Sulu at Tawi -Tawi).
Habang isinusulat ang balitang ito ay patuloy ang opensiba ng tropa ng pamahalaan sa mga bandido.