MANILA, Philippines – Iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na apat katao ang nasawi sa pananalasa ng bagyong Nona sa Bicol at Visayas Region.
Ang nasawi ay si Pascual Ausente Jr., 31, Allen, Northern Samar na tinamaan ng lumipad na yero. Habang ang tatlong pang nasawi ayon sa Office of Civil Defense (OCD) Region 8 ay mula rin sa lalawigan ng Northern Samar kabilang ang isang binawian ng buhay sa hypothermia.
Dumaranas naman ng kawalan ng supply ng kuryente ang mga lalawigan ng Sorsogon, Albay, Camarines Sur, Mindoro at Samar bunga ng hagupit ng bagyo.
Ang bagyong Nona ay nag-landfall ng 5 beses kung saan ikalima dakong alas-10:30 ng umaga kahapon sa Pinamalayan, Oriental Mindoro na may taglay na lakas ng hangin na 140 Kph at bilis na 170 Kph.
Nasa ilalim ng Public Storm Warning Signal (PSWS) No. 3 ang Calamian group of islands, Oriental Mindoro at Occidental Mindoro kabilang ang Lubang Island habang PSWS No. 2 naman sa Marinduque, Romblon at Visayas at PSWS No. 1 naman sa Metro Manila, Bataan, Bulacan, Cavite, Laguna, Rizal, Quezon, Burias Island, Northern Palawan at Cuyo Island, Aklan at Antique.