MANILA, Philippines - Ipinag-utos na ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Alexander Pama ang ‘preemptive evacuation’ sa 161,014 pamilya o may kabuuang 724,839 katao kaugnay ng paghagupit ng bagyong Nona sa lalawigan ng Albay at Sorsogon sa Region V at Northern Samar sa Region VIII.
Ayon kay Pama ang preemptive evacuation sa mga lugar na apektado ng pananalasa ng bagyo ay nag-umpisa dakong alas-7:00 ng gabi kamakalawa sa 112 barangay sa Sorsogon kung saan nasa 26, 972 pamilya o 134,870 katao ang nailikas.
Ang preemptive evacuation ay nagpatuloy kahapon upang tiyakin ang kaligtasan ng mga residente sa mga lugar na nasa ilalim ng storm signal.
Kahapon ay ipinatupad din ang preemptive evacuation sa limang bayan ng Northern Samar at sinuspinde rin ang klase sa walong lalawigan, tatlong bayan at tatlong lungsod sa Regions IV-A, V at VIII.
Naitala naman sa 40 domestic flights ang nakansela dahilan sa bagyong Nona. Nasa 7, 934 pasahero, 62 barko, 11 bangka at 552 rolling cargo ang stranded sa mga pantalan ng Bicol at Visayas Region.
Napanatili ng bagyong Nona ang lakas nito na patuloy na nagbabanta ng panganib sa lalawigan ng Samar at sa mga lugar sa Sorsogon.
Nakataas ang public storm warning signal no. 3 sa walong lugar na inalerto ng weather bureau sa posibleng pagdanas ng 4-5 metrong taas ng storm surge, lakas ng hangin na nasa 170 KPH sa loob ng 18 oras.
Kabilang sa mga nasa signal No. 3 ay ang mga lalawigan ng Catanduanes, Camarines Sur, Albay, Sorsogon, Masbate kabilang ang Ticao at Burias Islands, Northern Samar, Eastern Samar at Biliran.
Nasa ilalim naman ng Public Storm Signal No. 2 ang mga lalawigan ng Camarines Norte, Marinduque, Romblon, Oriental
Mindoro, Occidental Mindoro, Batangas, Laguna, Southern Quezon at Leyte.
Nasa Public Storm Warning Signal No.1 naman ang Metro Manila, Bataan, Lubang Island, Coron, Cavite, Rizal, kabuuan ng Quezon province, kabilang ang Polillo Island, Southern Leyte, hilagang Cebu, kabilang dito ang Bantayan at Camotes Islands, Aklan, Capiz, Northern Negros Occidental, hilagang Iloilo, lalawigan ng Dinagat at Siargao Island.