MANILA, Philippines - Nalunod ang isang 30-anyos na lalaki na si Wilbert Zilahi matapos na tumalon sa ilog nang ito ay mataranta habang nilalamon ng apoy ang kanyang bahay naganap kamakalawa sa Road 1, Westline Lingahan, Valenzuela City.
Batay sa ulat, dakong alas-11:00 ng gabi nang magsimula ang sunog sa bahay ng isang Ruel Rebarter sa Road 1, Barangay Malanday.
Sa salaysay ni Rebarter sa otoridad, isang bayaw niya na hindi nito binanggit ang pangalan ang nagsunog ng mga basura sa loob ng bahay nito para patayin ang mga nagkalat na surot.
Biglang lumaki ang apoy hanggang sa kumalat ito at tinupok ang nasa 200 kabahayan kabilang ang bahay ni Zilahi na gawa sa kahoy.
Nataranta ang biktima kaya’t tumalon ito sa ilog na malapit sa kanyang bahay at alas-5:00 ng umaga nang ideklara na kontrolado na ang sunog.
Pagsapit ng alas-6:00 ng umaga nang makuha ang bangkay ni Zilahi ng kanyang mga kapitbahay.