MANILA, Philippines - Dahil sa apektado na ng pamimirata at pagpasok ng mga dayuhang pelikula ay nagbigay ng katiyakan si dating MMDA chairman Francis Tolentino na tutulungan niya ang pagbuhay sa nanamlay na industriya ng pelikula sa bansa.
Anya, dahil sa naturang mga problema at kumpetisyon ay tumataas ang gastos sa lokal na film making at kabawasan sa kita ng mga film producers habang pababa nang pababa ang presyo ng pag-iimport ng dayuhang pelikula.
Sa datos ng gobyerno, umabot sa P7.5 bilyon ang halaga ng mga nakumpiskang mga counterfeit films noong 2013 habang wala pang kasalukuyang datos na inaasahan na mas tumaas pa ang pamimirata.
Kabilang rin sa mga naging inobasyon ni Tolentino sa MMFF ay ang pagbuo ng “Cinefone o Cell Phone Film Festival” na layong humubog sa artistic film making talent ng mga estudyante buhat sa high school at kolehiyo sa buong bansa na may kaakibat na parangal at premyo.
Suportado rin ni Tolentino ang Indie films industry sa pamamagitan ng pagtatatag ng New Wave section at student short film competition habang pinangunahan din nito ang paglulunsad ng kauna-unahang MMFF animation category.
Ipinanukala naman ni Tolentino ang pagpapatibay ng Film Development Act of 2016 na magbibigay ng subsidiya buhat sa gobyerno sa lokal na producer upang makikilahok sa mga international filmfests habang ang mga mananalo ay tatanggap din ng mga gantimpala buhat sa pamahalaan.