MANILA, Philippines – Butas ang ulo ng isang driver ng van matapos na siya ay barilin ng driver ng kotse na kanyang nakagitgitan sa kalsada kahapon ng tanghali sa Pasig City.
Ang biktima na idineklarang dead-on- arrival sa ospital ay si Richard Tuazon, nasa hustong gulang, driver ng World Class Liminated Inc. na may tanggapan sa Barangay Maybunga, Pasig City.
Batay sa ulat,dakong alas-11:50 ng umaga sa itaas ng Rosario Bridge, Barangay Rosario ay nakagitgitan umano ng biktima na nagmamaneho Mitsubishi L-300 van (URG-714) ang isang Toyota Innova (APA-9824) na minamaneho naman ng hindi pa kilalang suspek.
Nagkaroon ng sagutan ang dalawa hanggang bumunot ng baril ang suspek saka binaril nang malapitan sa ulo ang biktima at pagkatapos ay mabilis na tumakas ang suspek.
Nakikipag-ugnayan na ang pulisya sa Land Transportation Office upang mabatid kung sino ang may-ari ng kulay itim na Toyota Innova.
Aalamin din kung nakuhanan ng CCTV ang pangyayari upang makilala at matukoy ang suspek.