6 prison guards nasamsaman ng kontrabando sa NBP
MANILA, Philippines – Nalalagay sa balag ng alanganing masibak sa tungkulin at makasuhan ang anim na prison guards matapos makasamsam na naman ng mga kontrabando sa anim na oras na “Oplan Galugad Operation” ng pinagsanib na puwersa ng Bureau of Corrections (BuCor) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Medium Security Compound ng New Bilibid Prisons (NBP) sa Muntinlupa City kahapon ng umaga.
Ayon kay BuCor Director Retired Lt. General Ricardo Rainier Cruz, pansamantala munang hindi pinangalanan ang anim na prison guards dahil sumasailalim ngayon sa masusing imbestigasyon.
Ang anim na guwardiya ay nakatalaga sa building 1, 2, Security Patrol Unit-Inmate Custodial Aide, Reception and Diagnostic Center at sa Prison Inmate Labor Contract Officer (PILCO) Shop.
Lumilitaw na nagsagawa ng sorpresang Oplan Galugad Operation ang operatiba ng BuCor at PDEA bandng alas-5 ng umaga kung saan nasamsaman ang anim na guwardya ng mga naggagandahang cellphone habang ang mga ito ay naka-duty sa Medium Security Compound sa Camp Sampaguita, NBP.
Linusob ng raiding team ang building 1 at 2 kung saan nakasamsam ng P18,740 cash, ilang pirasong plastic sachet na naglalaman ng pinatuyong dahon ng marijuana, magagandang cellphone, CDs, DVD player, apat na pamalong kahoy, mga patalim, gambling paraphernalia, mga manok na panabong, mga appliances, high-powered firearms at mga antenna ng telebisyon.
Nakakuha rin ng mga kontrabando sa Security Patrol Unit-Inmate Custodial Aide at nagtataka si Cruz kung bakit mas maraming nasamsam dito kumpara sa building 1 at 2 na mga selda ng preso.
Nabatid na sa Medium Security Compound ay nakakulong ang mga presong may hatol na 20-taong pagkabilanggo pababa kung saan mayroon itong pitong gusali at ibat-ibang pangkat ng mga preso na nasa 7,000 ang bilang.
- Latest