MANILA, Philippines – Nasugatan ang limang kalalakihan makaraang masabugan ng granada na inihagis sa kanila na mula umano sa angkan ng kaaway na pamilya kamakalawa ng gabi sa kahabaan ng national highway, Matalam, North Cotabato.
Ang mga nasugatan na dinala sa ospital ay kinilalang sina Sharon Bolante, 35, negosyante; Geraldo Peralta Jr., 44; Dan John Anam, 28; Kensed Dilangalen, 32 at Macmod Kanacan, 24.
Naitala ang insidente dakong alas-10:55 ng gabi sa harapan ng Nicu Motor Parts sa kahabaan ng national highway ng nasabing bayan na kung saan ay kasalukuyang lulan ng tricycle na minamaneho ni Macmod ang mga biktima na bumabagtas sa nasabing lugar nang bigla na lamang silang hagisan ng granada ng mga kalalakihang nagtatago sa madilim na bahagi ng highway.