MANILA, Philippines – Pinagtataga ang isang mag-asawang matanda ng kanilang kainuman na kapitbahay nang maungkat ang kanilang dating alitan naganap kamakalawa sa Brgy. Langaon, Baungon, Bukidnon.
Nasawi noon din ang mag-asawang sina Isidro at Dolores Nacalaban, kapwa 60-anyos at residente sa lugar.
Ang mag-asawa ay kapwa nagtamo ng mga taga sa iba’t ibang bahagi ng katawan partikular na sa kanilang leeg at ulo na siyang agarang kumitil sa kanilang buhay.
Tumakas ang suspek na si Edwin Amontal, 38 na natukoy ng mga testigo na siyang nasa likod ng krimen.
Batay sa ulat, bago nangyari ang krimen dakong alas-9:00 ng gabi ay magkasamang nag-iinuman ang mag-asawa at suspek nang maungkat ang kanilang lumang alitan.
Nagkaroon ang mga ito nang mainitang pagtatalo at habang nagtatalo ay bigla na lamang binunot ni Amontal ang kaniyang itak at pinagtataga ang mag-asawa.