500 pamilya nawalan ng tirahan sa sunog sa Maynila

Tinatayang nasa 500 pamilya ang nawalan ng tirahan matapos tupukin ng apoy ang kanilang mga bahay sa naganap na sunog sa kanto ng Quezon Boulevard at CM Recto, Sta. Cruz, Maynila.  Edd Gumban

MANILA, Philippines – Umabot sa 500 pa­mi­­l­ya ang nawalan ng tirahan dahil sa sunog sa Maynila, kanto ng Quezon Boulevard at kanto ng CM Recto, kahapon ng umaga.

Batay sa ulat, dakong alas-9:00 ng umaga nang sumiklab ang apoy at iniakyat ng Bureau of Fire Protection (BFP) ng Maynila sa general alarm dakong alas-10:11 ng umaga.

Nahirapan ang mga bumberong apulahin ang apoy dahil nasa gitnang bahagi ng komunidad ang sunog at maliliit ang mga kalsada na ang karamihan sa mga bahay ay yari sa light materials.

Sa lakas ng apoy, nagawa nitong lamunin ma­ging ang ilang billboard sa Quezon Boulevard.

Umagapay naman sa pag-apula ang air asset ng Philippine Air Force sa pamamagitan ng pagbuga ng tubig mula sa ere.

Bandang ala-1:00 ng hapon nang magdeklara ang BFP na kontrolado na ang sunog at tinatayang P5 milyon ang kabuuang napinsala dala ng apoy.
Nasugatan sa insidente si SFO 4 Arnel Mallari na natalsikan ng hindi pa matukoy na bagay sa kanyang mata.

Inilikas din ang ibang presong nasa penal dormitory ng city jail dahil sa kapal ng usok.

Pansamantalang nasa mga bangketa ang mga apektadong pamilya.Ang ilan namang lumikas ngunit hindi natupok ang bahay ay bumalik na sa komunidad.
Hinahanap ng mga otoridad si Alex Cayetano, ang may-ari ng dalawang palapag na bahay na umano’y pinagmulan ng sunog.

Dahil pansamantalang isinara ang bahagi ng C. M. Recto at Quezon Boulevard sa mga motorista, minarapat na lamang ng ibang commuter na maglakad sa Quezon underpass patu­ngong Quiapo.

Nasunog din ang gusali ng Aurora Tower na pag-aari ng Araneta Center Corp. na matatagpuan sa loob ng Araneta Center, Araneta Blvd., Barangay Soccoro, Cubao dakong alas-10:00 ng umaga.

Nagsimula ang apoy sa ika-14 na palapag ng gusali partikular sa electrical o power room.

Dahil pawang mga opisina ang nasabing gusali at naka-aircon ay hindi na nakalabas ang usok kung kaya nabalot na ito ng makapal at maitim na usok at nahirapan na rin ang mga pamatay sunog na mapasok ito para apulain.

Umakyat sa ikalimang alarma ang nasabing sunog na idineklarang fire­out ganap na alas-12:38 ng tanghali.

Show comments