MANILA, Philippines – Labindalawang opisyal ng National Livelihood Development Corporation (NLDC), Technology Resource Center (TRC) at National Agribusiness Corporation (NABCOR) ang sinibak ng Ombudsman sa serbisyo dahil sa umano’y maanomalyang paggamit ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) ni dating Benguet Representative Samuel Dangwa na may halagang P54 milyon.
Ang mga ito ay sina Gondelina Amata; Chita Jalandoni; Emmanuel Alexis Sevidal; Ofelia Ordoñez; Filipina Rodriguez at Sofia Cruz pawang mula sa NLDC; Dennis Cunanan; Marivic Jover; Consuelo Lilian Espiritu at Belina Concepcion, pawang taga TLRC; Victor Cacal at Romulo Relevo ng NABCOR.
Sa rekord, mula 2007 hanggang 2009, si Dangwa ay tumanggap ng P54 milyong PDAF na idinaan sa pekeng NGO ni Janet Lim Napoles at NLDC, NABCOR at TRC bilang mga implementing agencies ng proyekto. Ang pondo ay laan sa pagbili ng livelihood at agricultural assistance kits at packages.
Upang maipatupad ang proyekto, sina Amata ang nagproseso at nag-apruba ng transaksiyon at bayarin sa bogus projects.
Sa Special Audit Report ng Commission on Audit, ang agricultural at livelihood assistance kits/packages ay hindi naibigay sa sinasabing mga beneficiaries ng proyekto dahil non-existent ang NGO at napeke ang mga dokumento para sa liquidation.
Ang sinasabing NGO ni Napoles ay kulang sa track record at walang kapasidad na maipatupad ang proyekto, walang naganap na public bidding o accreditation process at nananitiling unliquidated ang P11 milyong PDAF ni Dangwa.