Pamilya, 4 todas sa sunog
MANILA, Philippines – Nasawi ang apat na miyembro ng isang pamilya makaraang ma-suffocate sa nasunog nilang inuupahang gusali kahapon ng madaling araw sa Quezon City.
Idineklarang dead-on- arrival sa East Avenue Meidcal Center ang mga biktimang sina Heizel Lopez Bucad, 30; Rodolfo Bucad, 56; Gracita Bucad, 58; at Tricia Bucad, 20.
Sa inisyal na imbestigasyon, dakong alas-3:15 ng madaling araw nang mangyari ang sunog sa ikalawang palapag ng isang gusali na pag-aari ng isang Elaine Caluntoc na inuupahan ng mga biktima na matatagpuan sa no. 74 15th Avenue kanto ng Main Avenue, Barangay San Roque.
Bukod sa tirahan ay nagsisilbi ring dental at optical clinic ng pamilya ang Sight & Bite Optical & Dental Clinic.
Nabatid na nagsimula ang sunog sa ground floor ng gusali partikular sa klinika kung saan nakalagay ang mga kasangkapang de kuryente na kung saan ay hindi nakalabas ang mga biktima.
Idineklarang fire under control ang sunog alas-4:58 ng madaling araw at isa-isang iniligtas ng mga pamatay sunog ang buong pamilya na nadatnang pawang mga walang malay na nakahilata sa loob ng isang kuwarto.
Ang klinika ay nasa gawing dulo ng ground floor at dahil walang paglalabasan ng usok ay mabilis na napuno at na-suffocate ang mga biktima.
Posibleng nagmula ang sunog sa may refrigerator at oven toaster na nakapuwesto sa klinika, pero inaalam pa kung nag-overheat ito.
Ganap na alas-5:04 ng umaga nang tuluyang ideklarang fireout ang sunog na tinatayang aabot sa P100 milyon ang halaga ng napinsalang ari-arian.
- Latest