Edsa lalagyan ng Xmas express lane
MANILA, Philippines - Ilang bahagi ng kahabaan sa EDSA ay lalagyan ng Christmas Express Lane ng PNP-Highway Patrol Group (PNP-HPG) umpisa sa unang linggo ng Disyembre hanggang Enero ng susunod na taon dahilan sa inaasahan ang pagsisikip ng daloy ng trapiko ngayong Kapaskuhan.
Ito ang inihayag kahapon ni PNP-HPG Spokesperson Supt. Grace Tamayo upang maibsan ang matinding pagsisikip ng trapiko sa EDSA ngayong panahon ng Kapaskuhan.
Bagaman napaluwag ng PNP-HPG ang trapiko sa kahabaan ng EDSA matapos na kunin ang kontrol sa Metro Manila Development Authority (MMDA) simula noong Setyembre 7 ng taong ito dahilan sa ‘Christmas rush’ o paghahabol sa pagsho-shopping ng mga tao ay inaasahan ang matindi na trapiko.
Ayon kay Tamayo, ang Christmas Express lane, ay ang ‘innermost lane’ ng EDSA southbound mula Shaw Boulevard sa Mandaluyong City hanggang sa makarating sa bahagi ng Mall of Asia (MOA) sa Pasay City.
Nahahati ito sa pamamagitan ng mga kulay dalandan na plastic barrier na siya ring ginamit ng PNP-HPG sa ginanap na APEC Summit 2015 noong nakalipas na Nobyembre 17-20 ng taon.
Nangangahulugan ito na lahat ng mga sasakyan na galing Shaw Boulevard na papasok sa ‘Christmas Express Lane’ ay dire-diretso na hanggang Pasay City patungong MOA.
Nilinaw din nito, na ang Christmas Express Lane ay may bukas na daan patungo naman sa Ayala at Buedia sa Makati City sakaling ang nais naman ng mga kinauukulan na sa lugar na lamang mag-shopping sa Glorieta Mall, SM at iba pa.
Sa northbound lane naman ay maglalagay ang PNP-HPG ng mga kulay dilaw na barrier sa “yellow lanes” upang hindi na magpalipat-lipat pa sa kabilang linya ang mga pampasaherong bus na bumibiyahe at nagdaraan sa kahabaan ng EDSA.
- Latest