MANILA, Philippines – Ayusin na lang sa loob ang problema ng ahensiya sa halip na ipakalat sa media na posibleng maging dahilan ng pagkasira ng institusyon.
Ito ang sinabi ni Benjamin Peralta, secretary general ng Filipino Alliance for Transparency and Empowerment (FATE) para kay Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Chairman Ayong Maliksi dahil sa nakakabahala ang mga pinagsasabi nito laban sa PCSO na dapat ay inaayos na lang niya bilang pinuno ng tanggapan.
May mga benepisaryo umano ang lumapit sa FATE upang humingi ng tulong para alamin ang tunay na kondisyon ng PCSO dahil sa nangangamba na hindi nila makuha ang medical assistance na hinihiling sa ipinaputok kamakailan ni Maliksi na wala na umanong pondo ang ahensya at nadedemoralisa na umano ang mga social workers na kaagapay ng PCSO sa mga pagamutan.
Sa pagsisiyasat naman ng FATE, patuloy naman ang pondo ng PCSO dahil sa umiikot lamang ang pera buhat sa patuloy na pagtangkilik ng mga mananaya sa Lotto at maging sa Small Town Lottery (STL) at wala namang umiiral na “preferential treatment” sa mga pasyente na nakaratay sa mga mamahaling pagamutan.
Napag-alaman na inaaprubahan umano ng PCSO ang mga medical assistance sa naturang mga pagamutan dahil sa uri ng sakit na tanging ang mga ito lamang ang may kakayahan na gumamot base sa teknolohiya habang ang ilan ay nasa isolation room depende rin sa uri ng sakit ng pasyente.
Nababahala naman ang FATE sa naglabasang ulat kamakailan ng pagkakaibigan ni Maliksi at ng kontrobersyal na si Atong Ang na siya namang may-ari ng Meridien Vista Gaming Corporation na nagpapatakbo rin ng ilang uri ng sugal sa mga lalawigan na may STL.
Nagtatanong ngayon ang FATE na kung tatanggalin ang STL, sino ang makikinabang sa mga gaming sa mga lalawigan.
Umaasa sila at mga lumalapit sa PCSO na mareresolba ni Maliksi ang gusot sa kanyang kapasidad bilang chairman at hindi na madudungisan ang imahe ng ahensya.