MANILA, Philippines – Nasawi ang dalawang sundalo habang tatlo pa ang nasugatan sa isang ambush makaraang masabugan sila ng landmine ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa bulubunduking bahagi ng Catbalogan City, Samar kamakalawa ng gabi.
Ayon sa ulat, bandang alas-7:40 ng gabi, kasalukuyang bumabagtas ang KM 450 military truck na sinasakyan ng mga sundalo nang sumabog ang landmine na itinanim sa highway ng mga rebelde at saka pinaulanan ng mga bala sa bahagi ng national highway ng Brgy. Lagundi ng lungsod.
Sa palitan ng putukan ay napuruhan at nasawi noon din ang dalawang enlisted personnel (EP) na kinilalang sina Corporal Chelito Edera at Corporal Joe Campos habang sugatan naman sina 1st Lt. Cherwin Lapura, Pfc. Rey Calabroso at Pfc Jack Macatantan.
Nabatid na pabalik na ang mga sundalo sa kanilang batalyon dala ang P1.8 milyon subsistence allowance nang mangyari ang ambush.
Nagsagawa ng hot pursuit operations ang tropa ng militar laban sa grupo ng mga rebelde na responsable sa pananambang at pagtangay ng subsistence allowance ng tropa ng pamahalaan.