MANILA, Philippines – Mahigit 50 residente ang naratay sa pagamutan matapos malason sa iniulam na isdang tulingan sa ilang barangay sa bayan ng Naguilian, Isabela.
Sa report ng Isabela Police, kamakalawa na isang ginang na galing pa sa Cagayan ang nagbebenta sa lugar ng nasabing isda sa murang halaga kaya’t marami ang bumiling residente dito.
Subalit, matapos na makain ang nasabing isda na iniulam ng mga residente ay nagsimula na ang mga itong makaranas ng panghihina ng katawan, pagsusuka, pananakit ng ulo, paninikip ng dibdib at pagtatae bunsod upang isugod ang mga ito sa pagamutan.
Sinasabing bilasa na umano ang tulingan na ibinenta ng nasabing tindera dahilan may amoy na ito.
Ipinatawag na ng mga otoridad at inimbestigahan ang tindera na nagbenta ng bilasang isda sa mga residente.
Nabatid na ang isdang tulingan kung hindi sariwa at hindi maayos ang preparasyon ay nakalalason dahilan may tinatanggal sa buntot nito.