Duterte naghain na ng kandidatura sa pagka-presidente

MANILA, Philippines – Opisyal nang naghain kahapon ng kanyang certificate of candidacy (COC) si Davao City Mayor Rodrigo Duterte para sa pagka-pangulo sa 2016.

Ang naghain ng kandidatura ni Duterte ay ang kinatawan  nito na si  Atty. Salvador Medialdea na nagtungo sa Commission on Elections (Comelec).

 Dala din ni  Medialdea ang certificate of nomination and acceptance sa Partido Demokratiko Pilipinas-Lakas ng Bayan (PDP-Laban).

Papalitan ni Duterte si VACC chairman Martin Diño bilang official standard bearer ng partido. 

Tinanggap ng Comelec Law Department ang mga dokumento ngunit pagdedesisyunan pa ng Co­melec en banc kung maaari siyang humalili kay Diño.
Iniurong na rin ni Duterte ang COC para sa pagka-mayor ng Davao City at papalit naman sa kanya sa mayoralty race ang anak na si Inday Sarah Duterte na dati na ring naging mayor ng lungsod.

Kasunod nang pagdeklara ng pagtakbo ni Duterte sa pagka-presidente, napuno na ng mga tarpaulin nilang dalawa ni Senador Alan Peter Ca­yetano ang mga kalsada sa Davao City. 

 Bago ito ay umapela si PDP-Laban president Sen. Koko Pimentel III kay Duterte na huwag nang paabutin pa ng Disyembre 10 ang filing ng CoC dahil baka magkaproblema pa sa Comelec.

Show comments