MANILA, Philippines – Hinatulan ng Sandiganbayan ng 10-taong pagkabilanggo si dating Pasay City Mayor Wenceslao “Peewee” Trinidad matapos mapatunayang nagkasala ng walang pag-aalinlangan sa kasong graft may kinalaman sa maanomalyang pagtatayo ng shopping center noong 2004.
Sa 30-pahinang desisyon, napatunayan ng Sanadiganbayan First Division na guilty si Trinidad kasama ang mga akusadong sina dating Pasay City Councilor Jose Antonio Roxas sa paglabag sa Republic Act 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act) at Article 237 of the Revised Penal Code.
Nag-ugat ang kaso sa sinasabing maanomalyang pag-a-award ng P489.950-milyong contract sa pribadong kumpanya na Izumo Contractors, Inc. noong February 4, 2004 para sa pagtatayo ng Pasay City Mall at palengke sa Antonio S. Arnaiz Avenue.
Bukod sa tig-10 taong bilanggo na hatol kina Trinidad at Roxas, may dagdag pang isang taong kulong sa mga ito dahil sa paglabag sa RPC.
Bukod sa pagkakulong, pinagbabawalan na rin ang mga itong magtrabaho sa alinmang posisyon sa gobyerno.
Pinagmumulta rin ang dalawang akusado ng P200 milyon kada isa sa halip na bayaran ang buong halaga ng kontrata dahil hindi napatunayan ng prosekusyon na ang proyekto ay nagbigay ng epekto sa pamahalaan.
Inutos din ng korte na e-archive ang katulad na kaso laban sa mga co-accused na sina Joselito Manabat at Alexander Ramos na mga private individuals dahil patuloy pa rin ang mga itong nakalalaya sa batas.