Jason Ivler guilty sa pagpatay sa anak ng Malacañang official

Ivler

MANILA, Philippines – Hinatulan kahapon ng habambuhay na pagkabilanggo ng Quezon City Regional Trial Court si Jason Ivler sa kasong  pagpatay sa isang anak ng dating opisyal ng Malacañang dahil lang sa away trapiko noong 2009.

Si Ivler ay sinentensiyahan ng reclusion perpetua o pagkabilanggo ng 40 taon sa kulungan. Bukod dito ay inutusan din ng korte na bayaran ang naiwang pamilya ng biktima ng P9.373 milyon bilang damages.

Inutusan din ng korte na ilipat na ng kulungan si Ivler mula sa Quezon City Jail Annex sa Bicutan, Taguig patungo sa New Bilibid Prisons sa Muntinlupa.

Si Ivler, ay pamangkin ng folk singer na si  Freddie Aguilar na inakusahang pumatay kay Renato Ebarle Jr. noong Nobyembre 18, 2009 sa Santolan A­venue matapos ang pag-aaway sa trapik.

Si Ebarle ay anak ni dating Presidential Chief of Staff Undersecretary Renato Ebarle Sr.

Naaresto at nasu­gatan si Ivler, 28, noong Enero 2010 sa bahay ng kanyang ina na si Marlen Aguilar  sa Blue Ridge A Subdivision, Quezon City matapos makipagbarilan sa mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI).

Hindi naman nakitaan ng emosyon ang mukha ni Ivler at tinanggap ng pamilyang Aguilar ang hatol ng korte.

Show comments