MANILA, Philippines - Bulagta ang 18-anyos na kolehiyala matapos itong masagasaan ng pampasaherong bus habang tumatawid sa kahabaan ng Aguinaldo Highway sa Barangay Anabu II D, Imus City, Cavite, kamakalawa.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Chrislyn Leyva, dalaga, college student at residente ng #240 Mallari Subdivision sa Barangay Malagasang 1st sa nasabing lungsod.
Tumakas naman ang driver ng bus subalit naaresto rin na si Dennis Castro Pelayo, 34, may asawa at residente ng Sitio Bugaan sa Barangay 3, bayan ng Alfonso, Cavite.
Sa ulat na nakarating sa Camp Pantaleon Garcia sa Imus City, bandang alas-3:30 ng madaling araw ng maganap ang insidente habang tumatawid ang biktima nang salpukin ng bus matapos na mag-overtake sa sinusundang jeepney.
Sa halip na tumigil ay humarurot patakas ang nasabing bus kaya agad itong hinabol at nasakote ng pulisya.