VP Binay kay Dinky: Itigil ang kasinungalingan sa 4Ps

Kamakailan ay nakatanggap ng report si Vice President Jejomar C. Binay na ipinapakalat sa publiko ng umano’y mga tauhan ni Social Welfare Secretary Dinky Soliman na hindi nito suportado ang  4Ps. Philstar.com/File

MANILA, Philippines - Hiniling ni Vice President Jejomar C. Binay kay  Social Welfare Secretary Dinky Soliman na sabihan ang kanyang mga staff na itigil na ang pagpapakalat ng black propaganda tungkol sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

“Sinabihan ko nga ho si Secretary Soliman, ‘Sabihin mo naman sa mga tao mo, ang sabi malinis na kam­panya, malinis na halalan, wala naman tayong siraan ng kasinungalingan,” wika ni Binay.

Kamakailan ay nakatanggap ng report si VP Binay na ipinapakalat sa publiko ng umano’y mga tauhan ni Soliman na hindi nito suportado ang  4Ps.

Pero, ayon kay Binay na hindi niya ititigil ang 4Ps, na pinasimulang proyekto sa ilalim ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

“Hinding-hindi ko po sinabi at uulitin ko [na] hindi ko aalisin, hindi ko papatayin ang isang proyekto na maganda na nagsimula sa nakaraang administrasyon. Actually, ‘yang project na ‘yan, project din naman ‘yan ni President Arroyo. Noon, ang tawag diyan ay CCT. Ngayon, ang tawag diyan ay 4Ps,” pahayag ng Bise Presidente.

Plano ni Binay na palakasin pa ang programa upang masiguro na ang lahat ng benipisaryo ay tunay na kwalipikado base sa pangangailangan.

Anya, maganda ang proyekto na dapat lang isasaayos dahil sa umano’y napakalaking leakage, na maraming beneficiaries na hindi naman qualified at meron namang dapat ma-qualified na hindi naman nailalagay.

“Ang plano ko nga palawakin pa ‘yan. Isasama po natin ‘yong healthcare, at ‘yong narinig ko na ‘yong mga senior citizen from 60 to 64 ay hindi kasama. Bakit naman kaya? After all, ang mga senior citizen starts at 60. Ewan ko kung ano ang explanation kung bakit 65 lang ‘yon nagsisimula,” pagwawakas ni Binay.

 

Show comments