MANILA, Philippines – Bago pa tuluyang mamatay ang mga nagsilutangang isda na kung tawagin ay “Banak” partikular ang kahabaan malapit sa breakwater at paligid ng Manila Yacht Club sa Malate kahapon ng umaga ay hindi na nahirapan ang mga mangingisda sa lugar na hulihin ito.
Ilan sa kanila ay may mga dala-dalang net na halos humigit kumulang sa 5 kilo ang nakuha at patuloy pa sa pagsilo sa mga lumulutang na isda.
Mistulang hilong-hilo umano ang mga isda bago ito makitang patay na lumulutang.
Pinaniniwalaang tulad ng mga nakaraang insidente na mas mababa ang oxygen level sa nasabing lugar o kaya oxygen depletion kaya hindi sapat para mabuhay ang mga Banak.
Magugunita na noong Pebrero 16 nang magsilutangan din ang mga nasabing isda sa nasabing bahagi ng Manila Bay na hinala ng mga otoridad na posibleng dulot ito ng pollution sa tubig na ang sanhi ay ang stagnant waters na humalo sa fresh sea water.
Ang paligid ng Manila Yacht Club ay may maraming fish fence na pinaghahanguan ng mga alagang isda.
Muli iimbestigahan ng Bureau of Fish and Aquatic Resources (BFAR) ang dahilan ng fish kill.