MANILA, Philippines – Nasugatan ang dalawang katao makaraang sumabog ang isang pampasaherong van sa terminal ng SM Ecoland shopping mall sa Davao City, kahapon ng umaga.
Sa ulat ni Chief Inspector Milgrace Driz, spokesperson ng Davao City Police, dakong alas – 9:45 ng umaga nang mangyari ang pagsabog ng Improvised Explosive Device (IED) sa Ecoland Drive may ilang metro ang layo mula sa mall.
Itinanim ang bomba sa Toyota Hi Ace Van, UV Express (MVW 553) na pag-aari ni Gregorio Guerrero na kararating lamang sa nasabing terminal.
Nasugatan sa insidente ang konduktor ng van na kinilala lamang sa alyas na Tata at driver nito na mabilis na isinugod sa Southern Philippines Medical Center.
Sinabi ni Driz na mabuti na lamang at nakababa na ang mga pasahero ng van nang mangyari ang pagsabog.
Ang van ay may biyaheng Midsayap, Cotabato-Davao na kararating lamang sa naturang terminal.