MANILA, Philippines – Isang miyembro ng Quezon City Police District (QCPD) na nakatalaga sa Mall of Asia para sa idinaraos na Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Leaders Meeting ang nasugatan nang mabundol ng closed van at nakaladkad pa ng may sampung metro sa tapat ng Mejan Garden, Liwasang Bonifacio, Ermita, Maynila, kahapon ng umaga.
Sa ulat mula sa Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU) ginagamot sa Manila Doctor’s Hospital ang biktimang si SPO1 Darwin Lorenzo, detail bilang security force sa APEC na kung saan ay nawawala ang kaniyang .40 mm caliber pistol.
Nasa kostudya na rin ng MDTEU ang driver ng delivery closed van (WJO-930) na si Ronald Borceles na umamin na inaantok habang nagmamaneho.
Sa imbestigasyon, dakong alas-5:30 ng umaga nang maganap ang insidente sa nasabing lugar habang sakay ng motorsiklo ang biktima kasama ang isang PO3 Romulo Magtibay.