Pamilya, 5 minasaker
MANILA, Philippines - Namatay noon din ang limang miyembro ng isang pamilya habang nasugatan ang tatlong iba pa matapos na pagbabarilin ang kanilang bahay na nakatirik malapit sa ilog kamakalawa ng gabi sa Purok 1, Brgy. Ugalingan, Carmen, North Cotabato.
Batay sa ulat ni P/CI Bernard Tayong spokesman ng Cotabato Police Provincial Office kinilala ang mga nasawi na sina Sara, 9; Pama,10; Mustafa, 12; Ebrahim, 50 at Mohamed Agal, 18.
Habang ang mga nasugatan ay kinilalang sina Jerry; Nasrudin; at Maki Agal.
Batay sa ulat, dakong alas-7:30 ng gabi ay nasa higaan na ang mga biktima nang ratratin ang kanilang kubo na nakatayo sa gilid ng ilog ng mga hindi pa nakilalang mga suspek.
Maswerteng hindi natamaan ang isang 3-anyos na bata na si Mojani; lola na si Lipusin, 63; at Anida.
Hindi naman namukhaan ng mga kapitbahay ang mga armadong suspek dahil sa madilim ang pinangyarihan ng insidente.
Sa pahayag ni Brgy. Kayaga, Chairman Bong Bacana na ang mga biktima ay residente ng Sitio Lumayong at bago lamang nanirahan sa lugar dahilan sa hinaharass sila ng mga armadong kalalakihan sa dati nilang tinitirhan sa Brgy. Manili.-Rhoderick Beñez, Joy Cantos
- Latest