MANILA, Philippines – Iginiit ni Senator Miriam Defensor-Santiago na dapat ng itaas ang parusa sa pangingikil o extortion sa pamamagitan ng pagtatanim ng ebidensiya katulad ng pagtatanim ng bala na talamak sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Balak ni Santiago na maghain ng isang panukalang batas na mag-aamiyenda sa Republic Act No. 10591 o ang “Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act,” para maitaas ang parusa sa mga magtatanim ng ebidensiya.
Kung maamiyendahan ang nasabing batas, gagawing pagkabilanggo ng 12 taon hanggang 20 taon ang parusa sa sinumang mahuhuling naglalagay o nagtatanim ng bala na ang layunin ay makasuhan o kikilan ang biktima.
Anya, kahit pa hindi na gawing krimen ang pagdadala ng bala ng hindi lalampas sa tatlo sa pamamagitan ng pag-amiyenda sa RA 10591, maari namang dagdagan ng nagbabalak ‘magtanim’ ng bala ang ilalagay sa bagahe o gamit ng kanilang biktima.
Naniniwala si Santiago na dapat magbigay ng mahigpit na mensahe ang gobyerno na hindi nito kukunsintihin ang anumang gawaing kriminal lalo na ang pagtatanim ng ebidensiya.
Sa kasalukuyan ang parusa lamang sa pagtatanim ng ebidensiya ay prison mayor o pagkabilanggo ng mula anim na taon hanggang 12 taon.