MANILA, Philippines – Umaabot sa P9.5 bilyon ang nagastos ng bansa sa pag-host ng APEC Leaders’ Meeting na gaganapin sa Nov. 18-19 sa PICC, Pasay City.
Subalit, ipinagtanggol ni APEC National Organizing Council (NOC) director general Ambassador Marciano Paynor Jr., ang naturang halaga na maituturing pang “decent amount”.
Aniya, halos 97 percent na handa na ang Pilipinas para sa pag-host ng APEC Summit na dadaluhan ng 21 head of states at inaasahang 10,000 delegasyon.
Idinagdag pa ni Paynor, ang ginawa ng Pilipinas sa paghahanda ay ginawa rin ng ibang mga bansa na una nang nag-host ng APEC meeting.
Wika pa nito, kung maliit aniya ang ginastos ng pamahalaan ay hindi rin makukuha ang nais na resulta.
Nilinaw ni Paynor na ang nasabing halaga ay hindi ginamit para sa pagbili ng equipments na isang taon ang ginawang paghahanda ng bansa.
Anya ang malaking pinaghandaan ng bansa ay ang seguridad ng 20 world leaders at dalawang economic leaders na darating para sa pagtitipon.