Itinuro ng FBI sa NBI... 2 babae inaresto sa child prostitution

MANILA, Philippines - Naaresto ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang dalawang babae na  natukoy ng Federal Bureau of Investigation (FBI) na lumilikha o prodyuser ng mga hubo’t-hubad na la­rawan ng mga batang babae na nakabase sa Angeles City, Pampanga.

Ang dalawang suspek ay kinilalang sina Lyan Tandeg, producer ng child pornography at child prostitution,  at isang Shellina Atad, na kinasuhan ng pag­labag sa  Republic Act 9208 na inamyendahan ng R. A. 10364 (Qualified Trafficking in relation to R.A. 10175 and Section 5 of R. A. 9775)   Syndicated Child Pornography na ina­resto noong Nobyembre 4 sa isang sangay ng coffee shop  sa isang mall sa Angeles City, Pampanga.

Nabatid na nagtungo sa opisina ng NBI ang ilang FBI agents upang ituro lamang ang dalawang suspek na nadiskubreng mga nagpo-prodyus ng mga malalaswang larawan at  nag-e-exploit ng mga kabataan sa mahalay na gawain.

Nagawang maka-transaksiyon ng undercover agents ang dalawang suspek hinggil sa mga la­rawang hubo’t hubad ng mga kabataang babae.

Bukod sa pagbebenta ng mga malalaswang la­rawan ay kasama pa ng dalawang suspek ang isang 8-taong gulang na babae na isa sa nasa larawang nakahubo’t hubad.

Kasama sa nasabing operasyon ang FBI agents, mga kinatawan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na katulong sa pagsagip ng tatlong biktima na nasa edad lamang 8 hanggang 12 na pawang  residente ng Barangay Maligaya at Sapang Tagalog, Tarlac City.

Natunton ng FBI ang sinasabing ‘utak’ ng sindikato  nang  maaresto ng US Customs and Border Patrol sa San Francisco International Airport ang isang piloto na kinilalang si  Michael Carey Cle­mans, dahil sa pagtataglay nito ng  may 100 larawan ng mga nakahubo’t hubad na mga bata sa kaniyang  iPad tablet.

Agad ipinasa ng FBI ang natuklasan sa NBI Cybercrime Division at ibinigay din ang link at kopya ng Yahoo Messenger conversation sa pagitan ni Clemans at Tandeg.

Lumalabas sa im­bestigasyon na ang  mga naka-pose na larawang malaswa ang ipinakikita sa mga customer at kung may magugustohan ay ibenebenta ang mga bata sa halagang P3,000 bawat gabi.

Show comments