MANILA, Philippines - Ginulantang ng malakas na pagyanig na umabot sa magnitude 5.7 ang ilang residente sa bahagi ng Pangasinan, kahapon ng madaling araw.
Sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), naramdaman ang sentro ng lindol sa may 55 kilometro sa hilagang kanluran ng Bolinao, Pangasinan.
Naramdaman ang pagyanig bandang alas-3:40 ng madaling araw kung saan may lalim itong 026 kilometro at tectonic ang pinagmulan.
Naitala ng Phivolcs ang intensity IV sa bayan ng Bolinao Pangasinan, intensity III sa Dagupan City,Vigan City; Burgos, Santa Maria, San Esteban, Santa at sa bayan ng Narvacan sa Ilocos Sur; Intensity II naman sa Baguio City; bayan ng San Climente, Tarlac, Angeles at Mabalacat City sa Pampanga, at intensity I sa Manila, Muntinlupa, Pasay at Makati City.
Nagkaroon din ng mga instrumental intensities tulad ng intensity III sa Dagupan City,Vigan City; Intensity II sa Baguio City; Sinait, Ilocos Sur; Iba sa Zambales; bayan ng Guagua, Pampanga; at Intensity I sa Pasig at Marikina City, bayan ng San Jose, Nueva Ecija; Santiago City, Isabela.
Inaasahan din ang pagkakaroon ng aftershocks, gayon pa man ay wala namang maaring idulot itong pinsala.