MANILA, Philippines - Kinondena ni Makati City Representative Mar-Len Abigail Binay-Campos ang kababawan ng liderato ng Makati City Hall government at pagbu-bully matapos na ipasara ang kanyang opisina sa city hall.
Ayon kay Rep. Binay na nalaman niya noon nakaraang linggo na ang kanyang opisina ay gagamitin ng acting vice mayor.Bukod pa dito na ang mga staff niya ay nakatanggap ng mga memo at ipinababalik sa kanilang mother unit.
“Ibig sabihin nito ay ipinasara ng bagong liderato ng City Hall ang aking opisina” wika ni Rep. Binay, anak ni Vice President Jejomar Binay.
Ayon kay Rep. Binay, na tatakbong mayor sa 2016, na ipinakita lang ng liderato ng Makati City Hall ang kanilang paghihiganti, pagiging siga at lumabas ang kasinungalingan sa sinabi nila na mabuting pamamahala.
“Simple lang ang gusto nilang sabihin,hindi bagong Makati ang kanilang isinusulong kundi sila ang bagong hari. Sa kanilang ginawa, nakalimutan nila na ang diwa ng public service ay hindi ang partido o pangalan kundi ang paglilingkod sa mga taga-Makati,” pahayag ni Rep. Binay.
“Sa tanggapan ko sa City Hall nagpupunta ang mga constituents ng second district kung saan ako ang halal na kinatawan. Dito sila nagpupunta para sa anumang pangangailangan,” dagdag ni Rep. Binay.
“Dahil sa pagsasara ng tanggapang ito, inalisan sila ng liderato ng City Hall ng pagkakataon na dumulog at mapaglingkuran,” wika ni Rep. Binay.
Sinabi pa ng kongresista na kahit sarado na ang kanyang opisina sa city hall ay patuloy ang kanyang paglilingkod na kanyang ginagawa sa loob ng mahigit siyam na taon.