MANILA, Philippines – ‘Hindi na pinapasweldo, inaabuso pa’.
Ganito ang naranasan ng dalawang menor de edad na lalaki sa kamay ng isang bading matapos na sila ay masagip nang salakayin ng mga otoridad ang hotel na kanilang tinutuluyan sa Cubao, Quezon City.
Batay sa ulat kahapon ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) ng Department of Justice (DOJ) dinakip ng pinagsanib na pwersa ng Quezon City Police, Commission on Filipinos Overseas (CFO), Department of Social Welfare and Development (DSWD) at IACAT-Operation Center (IACAT-OpCen) ang suspek na si Ramil Canete sa tinutuluyang Crest Hotel na matatagpuan sa Cubao, Quezon City.
Dito ay matagumpay na nasagip ang dalawang biktimang itinago sa mga pangalang Abel, 14 at Cain, 15 na ni-recruit ng suspek sa lalawigan ng Cebu.
Lumalabas sa imbestigasyon, habang nasa isang hotel sa Cebu ang suspek ay nag-recruit ito ng 5 binatilyo kabilang ang dalawang biktima para umano dalhin sa Maynila at gawing modelo ng isang brand ng damit.
Nang makapasa ang dalawang biktima sa audition at ibiniyahe sila sa Maynila na kung saan ay nagpalipat-lipat umano sila ng hotel kasama ng suspek.
Hindi umano natupad ang pagmomodelo at sa halip ay pinuwersa silang gawing delivery boy ng isang warehouse na walang sweldo bilang kapalit ng gastos nila sa araw-araw.
Tinatakot umano silang aabandonahin kung hindi susunod sa kagustuhan ng suspek hanggang sa abusuhin sila ng sekswal kapalit umano ang bayad para sila ay may kitain.
Nang madiskubre ng kaanak ang sinapit ng mga biktima ay itinawag ito sa “1343 Anti-Human Trafficking Actionline” ng IACAT at nakipag-ugnayan din sa mga otoridad na nagresulta sa matagumpay na operasyon.