MANILA, Philippines – Nahaharap sa kasong graft sa Sandiganbayan si Senador Lito Lapid nang ito ay sampahan ng Ombudsman dahil sa fertilizer fund scam noong siya ay gobernador pa ng lalawigan ng Pampanga.
Bukod kay Lapid, kinasuhan din sina Benjamin Yuzon, provincial accountant at Vergel Yabut, treasurer ng Pampanga, Ma. Victoria Aquino-Abubakar at Leolita Aquino, mga incorporators ng Malayan Pacific Trading Corp. (MPTC), at Dexter Vasquez, proprietor ng DA Vasquez Macro-Micro Fertilizer Resources (DAVMMFR).
Sinasabi ng Ombudsman na nagkaroon umano ng sabwatan ang mga akusado noong Mayo 2004 kaugnay ng pagbili ng overpriced na fertilizer.
Umabot sa 3,880 litro ng Macro-Micro Foliar Fertilizer ang binili ng lalawigan ng Pampanga sa DAVMMFR at ipinamigay ng MPTC.
Napatunayan ng Ombudsman prosecutors na hindi umano dumaan sa public bidding ang pagbili sa mga fertilizer at pinalabas lamang umano sa sertipikasyon ni Lapid na wala ng ibang maaaring ipampalit na abono sa kanilang nabili kayat pumasok ito sa direct purchase.
Kinuwestyon din ng Ombudsman ang mabilis na delivery at pagbabayad sa proyekto na tumagal lamang ng 14 araw.
Sinasabing may halagang P4.7 milyon ang ibinayad sa MPTC ng lalawigan ng Pampanga o P1,250 kada litro o overpriced ng P1,100 kada litro o kabuuang P4.268 milyon.
Inirekomenda ang P30,000 piyansa upang pansamantalang makalaya ang naturang mga akusado.