DOLE: Tamang pasahod sa araw ng APEC
MANILA, Philippines – Binigyang diin ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang patakarang “no work, no pay” sa mga manggagawa sa pribadong sektor sa Nov. 18 at 19 na idineklarang special non-working day sa National Capital Region dahil sa gaganaping Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Leaders’ Meeting.
Sa ilalim ng Labor Advisory No. 14 na pirmado ni Labor Secretary Rosalinda Baldoz, partikular na ipatutupad ang mga sumusunod na pamantayan para sa tamang pasahod sa mga manggagawa sa nabanggit na mga petsa.
Kung ang empleyado ay hindi nagtrabaho, ang “no work, no pay” na alituntunin ang dapat ipatupad, maliban na lamang kung may polisiya ang kompanya o collective bargaining agreement (CBA) na nagbibigay ng sahod para sa special day.
Sakaling ang empleyado ay nagtrabaho sa nasabing araw, makakatanggap ito ng karagdagang 30 porsiyento ng kanyang arawang sahod sa unang walong oras ng kanyang trabaho.
Para sa trabaho ng higit sa walong oras (overtime work), siya ay dapat bayaran ng karagdagang 30 porsiyento ng kanyang orasang kita sa nasabing araw at kung ang empleyado ay nagtrabaho sa nasabing araw at ito ay araw ng kanyang pahinga, dapat siyang bayaran ng karagdagang 50 porsiyento ng kanyang arawang kita sa unang walong oras habang ang sa mga magtatrabahong higit sa walong oras para sa nasabing araw ay ito araw ng kanyang pahinga, dapat siyang bayaran ng karagdagang 30% ng kanyang kada oras na sahod sa nasabing araw.
- Latest