Abaya atbp kinasuhan sa Ombudsman dahil sa tanim-bala

Nilalagyan ng packaging tape ng lalaking ito na OFW ang kanyang bagahe upang hindi mabiktima ng tanim-bala sa kanyang pag-alis patungo sa ibang bansa. Rudy Santos

MANILA, Philippines – Sinampahan ng kasong administratibo sa tanggapan ng Ombudsman ni Senador  Alan Peter Cayetano sina  Transportation Secretary Joseph Emilio Abaya at mga  airport officials kaugnay ng kontrobersiyal na tanim-bala scam sa paliparan.

Kasama ni Cayetano na nagsampa ng kaso sina Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) Chairman Dante Jimenez at  Network of Independent Travel Agents (NITAS) Chairman Robert Lim Joseph.

Bukod kay Abaya ay kinasuhan din sina  Manila International Airport Authority (MIAA) General Ma­nager Jose Angel Honrado, Office for Transportation Security (OTS) Administrator Rolando Recomono at Philippine National Police Aviation Security Group (PNP-Avsegroup) Director Pablo Balagtas.

Nais ng mga respondents na isailalim sa preventive suspension  ang mga akusado habang iniimbestigahan kaugnay ng kaso.

Giit din ng mga complainants  sa Ombudsman na agad na sibakin sa puwesto ang mga akusado oras na mapatunayang nagkasala dahil sa hindi pagtupad sa kanilang responsibilidad sa ilalim ng Executive Order 226 o command responsibility.

Ang kaso ay isinampa makaraang magreklamo ang mga nabiktima ng tanim-bala na modus operandi ng sindikato sa NAIA para makapangikil ng pera  sa mga biktima.

Show comments