MANILA, Philippines – Binalaan ni Philippine National Police (PNP) Chief P/Director General Ricardo Marquez ang PNP Aviation Security Group (PNP-ASG) sa pamumuno ni Chief Supt. Francisco Balagtas na huwag makikipagsabwatan sa sindikato ng tanim-bala scam matapos na mabuking ang pagkakasangkot ng ilang mga tiwaling opisyal at miyembro ng Office of Transportation Security (OTS) na nagtatanim ng bala sa mga pasahero at hinihingan ng malaking halaga para hindi sampahan ng kaso.
Pinaalalahanan ni Marquez ang PNP-ASG na kabilang sa nangangalaga sa seguridad sa NAIA na maging propesyonal at gawin ng tama ang kanilang mga trabaho at iwasan ang masangkot sa mga anomalya at eskandalo.
Nilinaw naman ni Marquez na hindi trabaho ng PNP-ASG ang pag-iinspeksyon ng mga bagahe ng mga pasahero dahilan sa OTS ang nangangasiwa dito at ang kaniyang mga tauhan ay sa seguridad lamang ng paliparan. Papasok lamang sa senaryo ang PNP–ASG sa sandaling may mahuli ang mga tauhan ng OTS tulad ng mga eksplosibo, bala, baril at iba pa dahilan ang mga pulis ang nag-iimbestiga at nagsasampa ng kaso sa korte.