Radio reporter itinumba ng tandem
MANILA, Philippines - Napaslang ang isang radio reporter habang sugatan naman ang 23-anyos na waiter matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem assassins sa tapat ng restaurant sa Zabarte Road, Barangay Kaligayahan sa Quezon City kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit, kinilala ang napatay na si Jose Bernardo, media patroller ng radio dwIZ, kolumnista ng pahayagang Bandera at nakatira sa Barangay Camarin, Caloocan City.
Sugatan naman matapos tamaan ng ligaw na bala si Marlon Deonio ng Maypajo Village sa Brgy. Pasong Tamo, Makati City.
Sa ulat ni PO2 Jim Barayoga, si Bernardo ay nakatayo sa harap ng kilalang fast food sa nasabing barangay nang lapitan at ratratin ng tandem bandang alas 9:24 ng gabi.
Animo’y walang naganap na pamamaril matapos na maglakad palayo sa crime scene ang gunman saka sumakay sa motorsiklo
Naisugod sa Bernardino Gen. Hospital pero idineklarang patay ang biktima habang si Deonio naman na tinamaan ng ligaw na bala ng baril sa dibdib ay dinala sa FEU Hospital.
Narekober sa crime scene ang tatlong basyo ng bala ng baril at ang motorsiklo ng biktima habang patuloy naman ang pagsisiyasat.
- Latest