Pambobomba sa sementeryo, nasilat
MANILA, Philippines – Nasilat ng tropa ng militar ang planong pambobomba ng mga bandidong Abu Sayyaf Group kasunod ng pagkakarekober sa isang bomba na itinanim sa sementeryo sa bayan ng Jolo, Sulu nitong Sabado ng umaga.
Ayon kay Joint Task Group Sulu Commander Brig. Gen. Alan Arrojado, bandang alas-7 ng umaga habang nagsasagawa ng paneling sa Mount Carmel Cemetery ang mga tauhan ng Explosives and Ordinance Division at 2nd Marine Brigade nang matagpuan ang pampasabog.
Ito’y sa gitna na rin ng mahigpit na seguridad na ipinatutupad kaugnay ng paggunita sa Undas kung saan inaasahang dadagsa ang mga tao sa sementeryo ngayong araw.
Nabatid na ang bomba ay inilagay sa isang bag na may 10-litro ng plastic na galon, may ammonium nitrate at cellphone detonator.
Napag-alaman din na ilang kahina-hinalang kalalakihan ang nakita ng mga residente malapit sa lugar na tumatakbo palabas sa sementeryo.
Agad namang na-idetonate ang bomba dakong alas-8:20 ng umaga bago pa man ito sumabog at makapinsala.
Pinaniniwalaan namang target bombahin ng mga bandido ang paggunita sa Undas.
- Latest