Zamboanga fire: 15 dedo, 12 sugatan
MANILA, Philippines – Labinglima-katao ang iniulat na namatay habang 12 naman ang nasugatan makaraang masunog ang pamilihang bayan sa Barangay Zone 1, Zamboanga City sa mismong bisperas ng Undas kahapon ng madaling araw.
Sa ulat ni P/Senior Supt. Dominador Zabala Jr., Zamboanga City District Fire Marshal, anim sa mga namatay ay mga bata na nagkakaedad isa hanggang 10.
Kinilala ang mga biktima na sina Kayulan Hasiddin, 48; Musal Hasiddin, 45; Abei Salahuddin, 40; Nurul Salahuddin, 39; Marilyn Salahuddin, 32; Radzhata Hasiddin, 28; Ruhilyn Hamis, 26; Algabid Salahuddin, 20; Binnas Salahuddin, 20; Radzmer Hassidin,10; Nur Ais Hasiddin, 9; Noynoy Hasiddin, 5; Crissamae Hasiddin, 3; Bunay Hasiddin, 1; at si Jasper Hamis, 1.
Naisugod naman sa Zamboanga City Medical Center at Brent Hospital ang mga sugatang sina Abduraham Hamis, 36; Albini Jaani, 32; Nasmiya Hamis, 9; at Nasriya Hamis, 5; Annang Erilis, 45; Bennaser Hamis, 32; Almudzra Hamis, 31; Yasser Jamiri, 29; Nurmina Jamiri,18; Alvin Bete, 14; Farhana Hamis, 9; at si Midzfar Hamis, 7.
Sa ulat ng Zamboanga City Risk Reduction and Management Council (CDRRMC), bandang alas – 3 ng madaling araw nang magsimulang tupukin ng apoy ang 100 stalls ng ukay-ukay at mga gulay sa Magay Street sa nasabing barangay.
Mabilis na kumalat at tumupok sa mga stalls na gawa sa mahihinang uri ng materyales habang ang mga biktima ay mahimbing pang natutulog.
Samantala, nadamay din ang mga katabi nitong establisyemento at mga kuwarto na pinag-iimbakan ng mga panindang bigas at iba pa sa nasabing palengke.
Sa inisyal na pagtaya, aabot sa P8 milyong halaga ng ari-arian ang napinsala sa palengke habang patuloy naman ang imbestigasyon.
- Latest