MANILA, Philippines – Isang kautusan ang ipinalabas ng local na pamahalaan ng Valenzuela City na nagbabawal sa mga barkers sa piling lugar sa lungsod dahil sa idinudulot na perwisyo sa kalsada.
Kabilang sa natanggap na sumbong ni Mayor Rex Gatchalian sa publiko ay ang mga abusadong barkers partikular sa may Gen. Luis Street sa tapat ng isang mall sa may Malinta Exit.
Ilan dito ay isang tinedyer na barker na sinuntok ang konduktor ng pampasaherong jeep makaraang makulangan sa P5 ibinigay para sa pagtatawag ng pasahero sa isang “no loading zone”.
Ilan pang reklamo ay ang pambubutas ng gulong ng mga jeep at bus na hindi magbibigay sa mga barker, pagharang ng sasakyan sa gitna ng kalsada at pagpaparada ng sasakyan sa mga “no loading at unloading zone.”
Nagsagawa ng operasyon ang Traffic Management Office (TMO) sa naturang lugar at winalis ang mga barker makaraang matanggap ng alkalde ang sumbong.