MANILA, Philippines – Namatay noon din ang tatlong katao sa insidente ng pamamaril at pagsabog ng granada na naganap sa Brgy. Malabod, Malungon, Sarangani.
Ang mga nasawi ay kinilalang sina Lito Landawe, magsasaka; Jomar Silaya; at Zozimo Kahilig.
Batay sa ulat, bago nangyari ang dalawang insidente ay kapwa lasing na sina Landawe na armado ng baril at apat nitong kasama nang pumunta ang mga ito sa bahay ng isang Kait Bi-oy sa Sitio Carillo sa nasabing lugar.
Pagdating sa bahay ay agad na sinigawan nito si Bi-oy na noon ay armado ng shotgun kaya’t binaril si Landawe na namatay noon din dahil sa 9 tama ng bala sa katawan.
Nagtatakbo ang apat na kasama ni Landawe patungo sa Poblacion para humingi ng tulong.
Pagdating sa lugar ay nagkasagutan sina Silaya at Kahilig dahil nagalit umano ang una sa pag-iwan ni Kahilig sa pinsang si Landawe.
Kaya’t kinuha ni Silaya ang kanyang baril at binaril si Kahilig na tinamaan sa kili-kili at kahit na may tama ay hinagisan nito ng granada ang una na sumabog kaya’t kapwa nasawi sila.