MANILA, Philippines – Nadakip ng mga otoridad matapos ang halos isang taong pagtatago sa batas ang isang wanted na dating bank cashier supervisor ng Philippine Veterans Bank na tumangay ng P29-M.
Kinilala ang nasakoteng suspek na si Arthur Gadon, nakatala bilang no.6 most wanted na kriminal sa isang follow-up operations sa Brgy. Esperanza, Alfonso, Cavite kamakalawa.
Ang suspek ay inaresto sa bisa ng warrant of arrest sa dalawang kaso ng qualified theft na inisyu ni Judge Mona Lisa Tiongson-Tabora, Acting Presiding Judge ng Regional Trial Court (RTC) Branch 21 ng Maynila at walang inirekomendang piyansa.
Bago ito ay nagsagawa ng surveillance operations sa lugar ang PNP-CIDG operatives matapos na makatanggap ng impormasyon sa presensya ng suspek sa nasabing lugar.
Batay sa record noong Disyembre 2014, ang suspek na tumatayong Bank Cashier Supervisor ng Philippine Veterans Bank (PVB) sa Legaspi Village, Makati City ay pinatalsik matapos itong makipagsabwatan sa 2 bank tellers at loan bookkeeper sa pagnanakaw ng P 29 M sa nasabing bangko.
Nang mabatid na sinampahan na siya ng kaso ay nagtago na ito sa iba’t ibang lugar sa Alfonso, Cavite at Metro Manila upang makaiwas sa pag-aresto.