MANILA, Philippines – Inakala ng isang mister na lusot na siya sa kaso matapos na siya pa mismo ang mag-report sa pulisya tungkol sa umano’y pagpapakamatay ng kanyang misis sa pamamagitan ng pagbibigti kamakalawa ng hapon sa loob ng kanilang bahay sa Brgy. Sta Lucia, Dasmariñas City, Cavite.
Subalit, nang masusing imbestigahan ay lumalabas na pinatay pala nito ang kanyang misis matapos magkuwento ang paslit nitong anak sa pulisya.
Ang suspek na inaresto ay kinilalang si Richan Bunyad, 28, construction worker matapos na bigtihin nito ang misis na si Mary Joy, 30, kapwa residente ng Blk 86, excess lot ng nasabing lugar
Ayon sa pulisya, umaga ay ng mag-report sa himpilan ang suspek tungkol sa pagpapakamatay umano ng kanyang misis sa pamamagitan ng pagbibigti.
Nang tanungin ng pulisya ang 5-anyos na anak ay ikinuwento nito na nakita umano niya na sinasakal ng kanyang papa ang mama niya at pagkatapos ay tinalian ito ng kumot sa leeg bago itinali sa kanilang kisame.
Lumalabas na selos ang motibo ng pagpatay ng suspek sa misis.