4 nakipaglibing todas sa bangga
MANILA, Philippines – Nasawi ang apat katao na nakipaglibing habang mahigit 20 ang nasugatan makaraang sumalpok ang sinasakyan nilang pampasaherong jeepney sa barandilya sa kahabaan ng Purok Mauswagon, Brgy. Poblacion, Tagum-Mati Highway, Maco, Compostela Valley kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang tatlo sa mga nasawi na sina Elizabeth at Ronald Orallo, Perfecto Baquino. Habang dinala sa Davao Regional Medical Center ang nasa 20 sugatan.
Sa imbestigasyon, bago naitala ang insidente bandang alas-6:10 ng gabi sa kahabaan ng nasabing highway ay pauwi na ang mga biktima na pawang residente ng Brgy. Maniki, Kapalong, Davao del Norte galing beach resort matapos na dumalo sa libing ng isa nilang kaibigan sa bayan ng Mabini nang maaksidente ang sinasakyan nilang pampasaherong jeepney (LVH 470) na minamaneho ni Diego Raveno.
Sa lakas ng pagkakabangga nito sa barandilya sa tagiliran ng highway ay tumilapon ang mga sakay na nasa ibabaw ng jeepney.
- Latest