Opisyal ng Army, napatay ng NPA

MANILA, Philippines - Isang tinyente ng Philippine Army ang nasawi matapos na makasagupa ang grupo ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) kahapon sa naganap na bakbakan sa bulubunduking bahagi ng Occidental Mindoro.

Kinilala ni Major Angelo Guzman, spokesman ng AFP-Southern Luzon Command (AFP-SOLCOM)  ang nasawing si Lt. Mike Nollora, Commander ng Bravo Company ng Army’s 4th Infantry Battalion (IB).

Si Nollora ay miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) Masiglahi Class of 2009.

Batay sa ulat, bandang alas-9:30 ng umaga ay nagsasagawa ng security patrol ang tropa ng mga sundalo sa bulubunduking bahagi ng Brgy. Batasan, San Jose ng lalawigan nang maganap ang bakbakan.

Tumagal ng sampung minuto ang palitan ng putok na kung saan ay tinamaan sa kaliwang hita si Nolloro at tumakas ang mahigit sa sampung rebelde bitbit ang mga sugatan na kasama.

Bagaman nabigyan ng pangunahing lunas si Nolloro ay nasawi rin ito dakong alas-11:00 ng tanghali.

 

Show comments