MANILA, Philippines - Sorpresang nagsagawa nang inspeksyon ang mga tauhan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga bus terminals sa Pasay City kahapon ng umaga bilang paghahanda sa nalalapit na Undas 2015
Ayon kay Atty. Winston Ginez, chairman ng LTFRB na ilang bus terminals ang nakitaan nila ng mga paglabag sa batas at patakaran ng ahensiya tulad ng kawalan ng maayos na ventilation ng terminal, may bayad ang paggamit ng CR at walang maayos na akomodasyon at pasilidad para sa mga pasahero.
Ilan din sa mga bus na papaalis na sana ang pinigil ng grupo ng LTFRB dahil kalbo ang mga gulong ng sasakyan at sobrang upuan o jamp seater na nakita sa mga pinuntahang terminals na Victory Liner, Super 5 Bus Line, Elavil, at DLTB.
Lahat ng nasita na may violations ay padadalhan ng notice o pagbabayarin ng karampatang multa at yung iba ay mabibigyan ng cease and desist order.
Magpapatuloy anya, ang mga surprise inspection upang matiyak ang safety at roadworthy ng mga bus para sa kaligtasan ng mga mananakay sa panahon ng Undas.