MANILA, Philippines - Dalawang batang naglalaro ang namatay habang kritikal naman ang 55-anyos na lalaki matapos tamaan ng bala ng shotgun mula sa nag-aaway na magbayaw sa Parola Compound, Tondo sa Maynila kahapon ng umaga.
Idineklarang patay sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center dahil sa tama sa dibdib ang biktimang si Jemar Lacson, 10, Grade 2 sa P. Guevarra Elementary School at nakatira sa Gate 62, Area H sa nasabing lugar.
Namatay din ang kalaro nitong si Gerald San Jose, 10, Grade 3 sa Almario Elementary School dahil sa tinamong tama sa mata at sa likod ng ulo.
Isinailalim sa surgical operation ang sugatang si Luis Almojuela na tinamaan ng bala sa kanang bahagi ng tiyan sa rib cage.
Sa inisyal na ulat ni PO3 Bernardo Cayabyab, naganap ang insidente dakong alas-6 ng umaga sa Gate 62 na malapit sa Pasig shoreline.
Nabatid na dumating ang senglot na si Iggi Ingente kung saan kinompronta ng kanyang misis kaugnay sa bisyong pag-inom hanggang sa nauwi sa sakitan gn mag-asawa.
Gayon pa man, sinubukan naman awatin ng bayaw na si Estilo Cinco ang mag-asawa subalit patuloy pa rin sa awayan.
Nang ayaw tumigil ang mag-asawa ay kinuha ni Cinco ang shotgun na sinasabing tinatakot lamang ang bayaw kaya ipinampalo ito sa halip na kalabitin.
Dito na aksidenteng nakalabit ang gatilyo ng shotgun kaya pumutok at tinamaan ang dalawang bata at isang matandang lalaking kapitbahay.
Kaagad na tumakas ni Cinco habang sumuko naman si Ingente sa himpilan ng pulisya.