MANILA, Philippines – Wala umanong dapat ikabahala ang pamilya ng dating ministro ng Iglesia ni Cristo (INC) na si Lowell Menorca II dahil hindi totoo na ito’y ikinulong sa INC Central Compound dahil ito mismo ang lumapit sa liderato ng INC
para humingi ng proteksyon sa simbahan.
Ito ang inihayag ni dating House Speaker Rep. Arnulfo Fuentebella at paniwala nito na hindi lang nagkaintindihan dahil baliktad ang nangyari.
Nabatid na nagpaalam si Menorca na tumira na muna sa INC compound kasama ang asawa at anak dahil nakatanggap umano ito ng mga pagbabanta sa buhay.
Ayon pa kay Fuentebella na pinahintulutan na tumira ng mga opisyal ng INC si Menorca dahil nagmamalasakit sila dito kaya nagtataka sila ngayon kung bakit pumunta ang kapatid ni Menorca at ang kanyang hipag sa Korte Suprema noong Miyerkules para humingi ng “writ of amparo” at “writ of habeas corpus.”
Sa petisyon na inihain ng kapatid ni Menorca na si Anthony at ng kanyang hipag na si Jungko Otsuka, inakusuhan ang mga opisyal ng INC na ikinulong nila si Menorca, misis na si Jinky, anak na si Yurie, at ang kanyang katulong na si Abbigail Yanson.
Ayon kay Fuentebella, dahil sa mali ang alegasyon ng pamilya ni Menorca ay pinakiusapan ng liderato ng INC na umalis muna ito at kanyang pamilya sa INC compound para makaiwas sa pagkalito tungkol sa totoong nangyari na kung saan ay nakatira na ang mga ito sa Fairview, Quezon City at nasa mabuting kalagayan.